CJ Sereno, nanindigang walang otoridad ang Korte Suprema na tanggalin siya sa puwesto

by Radyo La Verdad | March 20, 2018 (Tuesday) | 5930

Nanindigan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na walang kapangyarihan ang Korte Suprema na tanggalin siya sa puwesto.

Sa kanyang isinumite kahapon na komento sa quo warranto petition na isinampa ng solicitor general, sinabi ni Sereno na malinaw sa probisyon ng Saligang Batas at sa mga desisyon ng korte na pwede lamang siyang matanggal sa pamamagitan ng impeachment.

Katwiran pa ni Sereno, ang Senado lang ang may otoridad na magdesisyon kung dapat siyang matanggal sa puwesto.

Kaya’t aniya dapat i-dismiss ng Korte Suprema ang petisyon at pabayaan ang Senado na litisin ang kanyang impeachment case.

Kung kakatigan aniya ng SC ang petisyon ng SolGen, mawawalan ng saysay ang proseso ng impeachment. Katumbas aniya ito ng pagbale-wala sa mismong konstitusyon ng bansa.

Posible namang talakayin muli ng Korte Suprema ang petisyon sa kanilang en banc session ngayong umaga.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,