Nanindigan si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na hindi dadalo sa pagdinig ng House Justice Committee na nakatakda ngayong araw, ito ay para alamin kung ang reklamo laban sa punong mahistrado ay may probable cause.
Isa-isa nang tatalakayin ang mga alegasyong nakasaad sa reklamo at pasasagutin naman ang respondent.
Kahapon, nagsumite na ng special power of attorney si Chief Justice Sereno sa House Committee on Justice. Ibig sabihin, binibigyan nito ng karapatan ang kaniyang mga abugado na maging kinatawan niya sa pagdinig.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni CJ Sereno, hindi dadalo bukas sa pagdinig ang punong mahistrado dahil nasagot na umano nito ang lahat ng nakasaad sa reklamo.
Ayon naman kay House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali, pagbobotohan nila ngayong araw kung papayagan ng kumite na magsalita ang mga abugado ni CJ Sereno.
Subalit iginiit ng kongresista na dapat si CJ Sereno parin ang personal na sumagot sa mga tanong na mga miyembro ng kumite.
Samantala, ayon sa complainant na si Atty. Larry Gadon, hindi pa niya ipepresenta bukas sa kumite ang mga testigo niya laban sa punong mahistrado.
Una na nitong sinabi na may apat hanggang anim na SC Justices siyang ihaharap sa kumite na magpapalakas ng kaniyang mga alegasyon laban kay Chief Justice Sereno.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )