CJ Sereno, muling nanindigang hindi magbibitiw sa tungkulin sa gitna ng kinakaharap na impeachment complaint

by Radyo La Verdad | December 1, 2017 (Friday) | 2458

Aminado si Chief Justice Lourdes Sereno na hindi madali ang kaniyang pinagdadaanan sa gitna ng kinahaharap na impeachment complaint.

Gayunpaman, nanindigan ang punong mahistrado na ginawa niya nang tapat ang kaniyang tungkulin kaya’t walang dahilan para magbitiw siya sa pwesto. Panauhin si Sereno kanina sa isang pagtitipon ng mga kabataan sa UP Diliman.

Sa kaniyang talumpati, ipinagmalaki rin ni Sereno na marami na ang naipatupad na pagbabago sa justice system ng bansa sa ilalim ng kaniyang panunungkulan. Dagdag pa ng Chief Justice, hindi na lamang niya pinapansin ang mga batikos upang hindi panghinaan ng loob.

Nagpahayag naman ng suporta ang mga taong naniniwala sa katapatan ni Sereno. Kumpiyansa ang Chief Justice na lalabas din ang katotohanan sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kaniyang kaso.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,