CJ Sereno, binatikos ang Kongreso sa hindi patas na pagtrato sa kaniya

by Radyo La Verdad | March 8, 2018 (Thursday) | 3209

Tahasang binatikos ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang House justice committee sa aniya’y hindi patas na pagtrato sa kanya.

Isa si Sereno sa mga panauhin kanina sa pagtitipon ng Philippine Women Judges Association sa Maynila.

Sa harap ng mga kababaihang huwes at mahistrado, pinuna ni Sereno ang Kongreso sa pagtanggi nito na makompronta niya ang mga nag-aakusa sa kanya.

Tila pag-amin aniya ito na walang napala sa hinaba-haba ng pagdinig sa Kongreso, kaya sa ngayon ay kung anu-anong gimik na lang ang ginagawa upang mapatalsik siya sa pwesto.

Isa sa pinatutungkulan ni Sereno ang quo warranto petition na inihain ng solicitor general nitong Lunes. Muli ring sinabi ni Sereno na hindi siya magbibitiw sa pwesto.

Pero agad naman siyang sinita ni Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro na pangulo ng nagtitipong mga huwes at mahistrado.

Aniya, ipinagbabawal na pag-usapan sa publiko ang mga sinabi ni Sereno dahil nasa ilalim ito ng judicial consideration.

Sinubukan na lamang ni Batangas Congresswoman Vilma Santos na pahupain ang tensyon.

Tumanggi nang magsalita pa tungkol sa nangyari sina Sereno at De Castro.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,