Nirerespeto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang komento ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa narco list na inilabas ng palasyo.
Subalit may babala ang pangulo kung pipigilan siya sa kaniyang kampanya laban sa iligal na droga.
“If this continues, pigilan mo ako sige, pag nagwala na, or would you rather that I will declare a Martial Law? Pinapatay ang mga Pilipino, I grieve for so many women raped, men killed, infants raped tapos ipitin mo ako, I have to clean.” – President Duterte
Una nang sinabi ni Sereno na magbababala ito sa mga huwes na pinangalanan na huwag sumuko sa mga opisyal ng pulisya hanggat walang warrant of arrest.
Binigyang-diin din ni Pangulong Duterte ang kaniyang katungkulan ay agarang solusyunan ang talamak na suliranin sa ipinagbabawal na gamot sa bansa kung saan humantong na sa 600 libong mga Pilipino ngayon ang gumagamit o nagtutulak nito.
Nanindigan ang pangulo na kung hindi gagawa ang pamahalaan ng agarang aksyon, mas marami ang malululong sa ipinagbabawal na gamot at mas marami ang magiging biktima ng sari-saring mga krimen sa bansa.
Bagaman hindi napigilan ang paglalabas ng saloobin, sa huli ay sinabi ng pangulong mananatili siya sa paggalang sa saligang batas ng Pilipinas at ganito rin ang iniwan niyang bilin sa mga sundalo sa Cagayan de Oro City.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: binalaan ni Pangulong Duterte, CJ Sereno, kampanya laban sa iligal na droga