CJ De Castro, nanawagan na irespeto ang judicial independence ng SC

by Radyo La Verdad | September 4, 2018 (Tuesday) | 1574

Itim at pula ang suot na kulay ng mga empleyado ng Korte Suprema nang sama-samang ipanawagan ang pagbibitiw sa pwesto ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Subalit kahapon, kulay asul ang sumalubong kay Chief Justice Teresita Leonardo De Castro sa kanyang unang flag ceremony bilang bagong punong mahistrado.

Ayon sa Supreme Court Employees Association, ang kulay asul ay sumisimbolo sa pagbabalik ng kapayapaan sa hudikatura.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Chief Justice De Castro na patuloy na itataguyod ang kalayaan ng hudikatura. Hiniling din nito sa iba pang sangay ng pamahalaan na igalang ang Korte Suprema.

Naging emosyonal naman at halos maiyak si CJ De Castro dahil sa ipinakitang suporta sa kanya ng mga kasamahan sa trabaho sa kabila ng mga batikos sa kanya.

Nakiusap ito sa mga empleyado ng mataas na hukuman na huwag pansinin ang mga puna laban sa SC.

Ayon kay De Castro, dapat nang iwanan ang nakaraan ngunit hindi dapat kalimutan ang mga aral na natutunan mula dito.

Samantala, tinanggap na ng punong mahistrado ang courtesy resignation ni PIO Chief Atty. Theodore Te.

Sa darating na Biyernes, ika-7 ng Detyembre ang huling araw ni Te bilang tagapagsalita ng Korte Suprema.

Si Atty. Ma. Victoria Gleoresty Guerra naman ang hahalili kay Te sa nasabing posisyon.

Si Guerra ay naging tagapagsalita na rin noon ng Korte Suprema kapalit ni Court Administrator Jose Midas Marquez at bago italaga si Atty. Theodore Te.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,