CJ Bersamin, hiniling ang suporta ng mga kawani ng Korte Suprema at nakiusap na tigilan na ang mga espekulasyon

by Radyo La Verdad | December 4, 2018 (Tuesday) | 19354

Sa kanyang unang flag ceremony kahapon bilang punong mahistrado, nakiusap si Chief Justice Lucas Bersamin sa mga kawani ng Korte Suprema na tulungan siya sa loob ng kanyang labing-isang buwang termino.

Nakiusap din ito na tigilan na ang mga espekulasyon sa kanyang pagkakatalaga dahil ito aniya ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hiniling din nito ang suporta ng mga empleyado at pinaalalahanan ang lahat na pagbutihin ang kanilang trabaho upang mabigyan ng magandang imahe ang Korte Suprema.

Ayon pa kay CJ Bersamin, hindi naman niya sasabihin pa na siya ang pinaka-senior sa mga mahistrado, pero sa edad niyang sisenta y nuwebe, 32 taon dito ang ginugol niya sa paglilingkod sa hudikatura.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na ‘seniority’ ang kaniyang magiging batayan sa pagpili ng bagong punong mahistrado.

Ngunit ayon sa Malakanyang, kung ang pag-uusapan ay ang tagal ng serbisyo sa hudikatura, si Bersamin ang maituturing na pinaka-senior dahil 17 taon itong naging trial court judge, nagsilbi ng 6 na taon sa Court of Appeals at 10 taon sa Supreme Court.

Samantala, balik naman sa pagiging tagapagsalita ng kataas-taasang hukuman si Court Administrator Midas Marquez. Dati na itong naging spokesperson ng Korte Suprema sa panahon nina retired CJ Reynato Puno at ang na-impeach na si Chief Justice Renato Corona.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,