Bukod sa Grab, jeepneys at asosasyon ng mga taxi operator, inihahanda na rin ngayon ng city bus operators ang petisyon para sa dagdag-pasahe.
Ayon kay Juliet de Jesus, managing director ng Samahang Transport Operator Pilipinas sa ngayon ay pinag-aaralan at kinukwenta pa aniya ng kanilang mga opisyal kung magkano ang posibleng hihinging fare increase.
Bukod sa nakaambang 2 pesos and 80 centavos na dagdag-presyo sa krudo sa Jan. 16 dahil dagdag-buwis, makakaambag din anila sa kanilang mga gastusin ang gagawing modernisasyon sa mga bus.
Kabilang na dito ang pagkakabit ng mga CCTV, wifi connection, global positioning system, speed limiter at ang pagpapalit ng mga makina sa Euro-4 engine. Taong 2011 pa nang huling magpatupad ang LTFRB ng pisong dagdag-pasahe sa city buses.
Sa kasalukuyan ay nasa sampung piso ang minimum fare sa mga ordinary bus habang 12 pesos naman sa airconditioned. Posible ring umapela ng dagdag-pasahe ang hanay ng provincial bus operators bunsod pa rin ng tax reform law.
Ipinaliwanag naman ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada na kinakailangan munang dumaan sa proseso at mapag-aralan ng board kung makatwiran ang hinihiling na dagdag-pasahe ng ilang transport group.
Inaasahang isusumite ng city buses operators ang kanilang petisyon sa LTFRB anomang araw ngayong buwan.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: LTFRB, taas pasahe, TRAIN Law