‘Citizens for promoting human rights’, inilunsad

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 11637

Inilunsad ang ‘citizens for promoting human rights’ kasabay ng paggunita ng ika-70 taon ng International Declaration of Human Rights. Isa ang nasabing grupo na tutulong sa mga pamilya at biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ilan sa mga kilalang personalidad na nangunguna sa grupo ay sina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Education Secretary Armin Luistro.

Bukas ang grupo na tumanggap ng kontribusyon mula sa publiko na gagamitin para tulungan ang mga biktima ng karapatang pantao.

Ayon kay CHR Chairperson Chito Gascon, nag-ugat ang ideyang nito ng manganib ang pondo ng komisyon noong 2017, kung saan muntik ng gawing isang libong piso lang ang pondo ng ahensya batay sa panukala ng ilang mambabatas. Ito ay dahil sa pagtuligsa ng CHR sa war on drugs ng pamahalaan.

Sa ngayon ay nababahala pa rin ang CHR sa ginagawang kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Ayon kay Gascon, mabagal ang pagsasampa ng kaso ng Departement of Justice (DOJ) sa kabila ng kanilang mga inirerekomendang dapat na kasuhan.

Sa 20 libong kaso aniya na kaugnay sa war on drugs, nasa 1,500 dito ang kanilang pinag-aaralan at nasa 20 ang kanilang iniakyat na sa DOJ.

Iginiit naman ng Duterte administration na patuloy ang pagsusulong ng pamahalaan sa karapatang pantao sa bansa.

Sa mensahe ni Executive Secretary Salvador Medialdea, upang mapangalagaan ang karapatan ng mga law-abiding citizen sa bansa, ‘di tumitigil ang pamahalaan sa paglaban sa kriminalidad, katiwalian, terorismo, rebelyon, at iligal na droga.

Bukod dito, Determino rin aniya ang Duterte administration na iangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng epektibong pagpapagupad ng mga programang pang-edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, trabaho, pabahay, pagkain at iba pang pangunahing serbisyo.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,