CHR tinanggap ang desisyon ng DOJ na isapubliko ang mga kaso ng EJK

by Radyo La Verdad | October 22, 2021 (Friday) | 41880

METRO MANILA – Nagdesisyon ang Department of Justice (DOJ) na ilabas ang mga impormasyon ng 52 na kasong may kinalaman sa anti-drug operation ng pamahalaan.

Agad naman itong sinang-ayunan ng Commission on Human Rights (CHR) at sinabing umaasa sila na ang mga naturang impormasyon ay makakatulong sa pamilya ng mga naging biktima, na malaman ang naging imbestigasyon sa pagkamatay ng kanilang mga kaanak.

Matatandaan nitong Pebrero humarap sa United Nation Human Rights si DOJ Sec. Menardo Guevara at sinabi na sa kalahati ng kabuuang bilang na 5,655 na kaso laban sa kampanya kontra droga ng Administrasyonng Duterte ay nakita nilang may pagkukulang ang mga otoridad sa pagsunod ng standard protocols at sa pag-iimbestiga sa mga armas na narekober nila mula sa mga biktima.

Ayon sa CHR, sa kabila ng nakikita nilang pag-usad ng mga kaso, hinihikayat pa din nila ang gobyerno na tingnan ang iba pang kaso na may kinalaman sa EJK.

Pinaalalahanan din nila ang pamahalaan na obligasyon ng estado na pangalagaan ang buhay ng tao at magbigay ng hustisya para sa mga lalabag ng karapatang pantao nito.

Giit pa ng Human Rights na, ang mabilis at masusing imbestigasyon ang susi upang mapanagot ang mga may sala. Nakahanda umano silang umalalay sa pamahalaan upang mapabilis ang imbestigasyon at mananatili silang tapat sa kanilang mandato.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)

Tags: , , ,