CHR, pabor sa mga survey na ginagawa ng SWS hinggil sa anti-drug war ng PNP

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 3345

Nitong mga nakaraang linggo, tatlong survey ang inilabas ng Social Weather Station kaugnay ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Kabilang na dito ang survey na mahihirap lamang ang napapatay sa anti-drug war at hindi ang mayayaman.

Ang survey na mas nais ng maraming Pilipino ay buhay ang mga naaarestong suspek sa mga police operations, at ang huling survey naman, mas maraming Pilipino ang natatakot na maging biktima ng extrajudicial killings.

Ayon sa statement na inilabas ng Commission on Human Rights, responsable ang PNP sa anumang magiging resulta ng kanilang mga operasyon at marapat na magsagawa sila ng imbestigasyon ukol dito.

Umaasa naman ang CHR sa pangako ng PNP na maglilinis sa kanilang hanay upang maalis ang mga tiwaling pulis.

Ayon naman sa PNP, hindi nila binabalewala ang mga survey subalit hindi umano maikakaila na naging maganda ang bunga ng war on drugs ng PNP.

Dagdag pa ng PNP, bumaba ng 7.8% ang total crime volume sa Pilipinas. Halos apat na raang libo ang bilang ng krimen noong 2016 at bumaba na lamang ng mahigit 350 thousand ng sumunod na taon.

Ayon kay PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, malaking bagay ang nagawa ng war on drugs. Sinabi rin ni PNP Chief Dela Rosa na gusto nila na 100% ng mga drug suspects na nahuhuli sa kanilang mga operasyon ay buhay.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,