CHR, nagpaalala sa PNP na sumunod sa police operations procedures kung ibabalik sa ahensya ang operasyon kontra iligal na droga

by Radyo La Verdad | November 30, 2017 (Thursday) | 4009

Patuloy na magbabantay ang Commission on Human Rights o CHR sa operasyon kontra droga kahit na anomang ahensya ang magpatupad nito.

Ayon kay CHR Chairperson Chito Gascon, napansin nila ang pagbaba ng bilang ng mga namamatay mula nang malipat sa PDEA ang war-on-drugs.

Nangangaba naman ang Free Legal Assistance Group o FLAG sa posibleng kahinatnan kung ibabalik sa Philippine National Police ang operasyon kontra iligal na droga.

Ayon sa Secretary General nito na si Maria Socorro Diokno, dapat ay baguhin ng PNP ang una nitong inilabas na panuntunan o ang Command Memorandum Circular 16-2016 para mas malinaw ang mga limitasyon ng mga operatiba lalo na sa Oplan Tokhang.

Una nang sinabi ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na mas magiging maingat sila kung ibabalik sa kanila ang operasyon sa war-on-drugs ng pamahalaan.

Isa sa pinaplano ng heneral ay bigyan ng body camera ang lahat ng mga sasabak sa operasyon upang mawala ang duda ng publiko.

Ayon naman kay Prof. Elizabeth Aguiling Pangalangan ng Insititute of Human Rights ng UP Law Center, kailangan din ang law enforcement subalit dapat ding pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang iba pang paraan para masagip ang mga nalululong sa droga.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,