Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights kaugnay ng mga ulat hinggil sa pang-aabuso at pagpatay sa ilang lider at miyembro ng katutubong Lumad sa bahagi ng Surigao del Sur sa Mindanao.
Ayon sa CHR, marami na silang natatanggap na report hinggil sa pagpatay sa ilang lider at miyembro ng tribu.
Nakarating din sa kanila ang ulat na mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at New People’s Army ang nasa likod ng pamamaslang.
Kahapon ay iginiit ng ilang leader ng Lumad tribe na hindi mga militar kundi mga NPA ang nasa likod ng mga nangyayaring panggugulo sa kanilang tribo.
Sisiyasatin din ng CHR ang ulat hinggil sa umano’y panggagahasa ng tatlong sundalo sa isang menor de edad na Lumad sa Davao del Norte bagamat inirekomenda na itong isailalim sa court martial proceedings ng Civil Military Office ng 10th Infantry Batallion.
Pagkatapos ng fact-finding process ay gagawa na ang CHR ng rekomendasyon upang mapanagot ang sinumang sangkot sa isyu.