Inihayag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kagustuhan nitong ibalik muli sa Philippine National Police ang operasyon kontra iligal na droga, itoy matapos muling maglitawan ang iba’t-ibang krimen na may kaugnayan sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at kakulangan sa tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Bagamat tutol ang Commission on Human Rights dahil sa pangamba na muli umanong tumaas ang bilang ng mga paglabag sa karapatang pantao, hinimok na lamang nito ang PNP na gumamit na ng body camera sa kanilang mga operasyon kontra iligal na droga. Kasama na sa budget ng PNP para sa taong 2018 ang pagbili ng halos apat napung libong body camera.
Bukod pa ito sa donasyon na matatanggap ng PNP mula sa mga local government unit. Ang naturang mga body camera ang siyang magdodokumento ng lahat ng operasyon ng PNP kontra iligal na droga at upang maiwasan ang isyu ng mga napapatay na nanlaban na drug personality.
Ang isang body camera ay nagkakahalaga ng dalawa hanggang tatlong libong piso bukod pa sa mga accesories upang maikabit ito sa katawan ng tao na nagkakahalaga ng nasa apat na libong piso.
Kapag nasimulan ang procurement, marami itong pagdadaanang proseso gaya ng bidding at iba pa kung kayat malamang ay abutin ito ng ilang buwan bago magamit ng PNP. Sa kasalukuyan, ang PDEA lamang ang ahensya ng pamahalaan na gumagamit ng body camera sa lahat ng kanilang mga operasyon.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: body camera, CHR, PNP