Chinese President Xi Jinping, darating sa Pilipinas bukas para sa isang state visit

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 4621

Bukas na, araw ng Martes ang nakatakdang state visit ni Chinese President Xi Jinping sa Pilipinas at ito ay tatagal hanggang sa Miyerkules.

Nagkaroon ng lamat sa relasyon ng dalawang bansa dahil sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Sa ilalim ng Duterte administration, nanumbalik ang mas malapit na ugnayan at inaasahan namang mas mapapaigting pa ito ng pagbisita ni President Xi sa Pilipinas.

Si Pangulong Duterte ang personal na nag-imbita kay President Xi.

Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na highlight sa pagbisita ng Chinese President ang pagpirma ng kasunduang pakikilahok ng Pilipinas sa belt and road initiative ng bansang China.

Ang belt and road ay may layuning palawigin ang Chinese trade sa Southeast Asia at South Pacific sa pamamagitan ng massive infrastructure projects.

Kabilang na dito ang mga kasunduang pipirmahan hinggil sa mga pangakong ayuda ng China sa mga proyektong imprastraktura ng Duterte administration.

Ayon sa administrasyong Duterte, inaasahang mas mapapabilis ang proseso ng pagsasakatuparan ng commitment na ito sa pagbisita ng Chinese President.

Gayunman, sinabi rin ni Finance Secretary Dominguez na bagaman nakatitiyak sila sa mga papasuking kasunduan ng bansa sa China, rerebyuhin pa rin ng pamahalaan ang mga deals na ito kaugnay ng belt and road initiative.

Noong nakalipas na buwan, bilang paghahanda sa upcoming visit ng Chinese President, nakipagpulong si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa Davao City kina Pangulong Duterte at Foreign Affairs Secretary Wang Yi.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,