Naglabas ng hinaing ang ilang miyembro ng Chinese community kaugnay sa Sinophobia o ang pagkatakot at galit ng ilan sa publiko laban sa mga Chinese national.
Bunsod ito ng paninisi ng ilan sa kumakalat na 2019 Novel Corona Virus acute respiratory disease (nCoV-ARD) na nagmula sa Wuhan City sa China.
Ayon kay Teresita Ang See, Founding President ng Kaisa Para Sa Kaunlaran Incorporated, dapat ay magkaisa ang lahat sa pagsugpo sa naturang sakit at manaig ang pagiging makatao ng mga Pilipino.
Naniniwala naman si Henry Lim Bon Liong, Federation Of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, na ang diskriminasyon ay hindi laban sa mga Chinese kundi sa virus.
“There’s one media man who asked me that some grab taxi doesn’t want to take in mga Chinese looking passengers. Sabi ko siguro, hindi naman discrimination sa Chinese. Dahil because Chinese sila, dahil because the virus originated from China, so they just want to protect themselves. Ayaw nilang may pasahero na makahawa daw sila.” ani FFCCCII President, Henry Lim Bon Liong.
Samantala, nananawagan naman ang ilang mga doktor sa mga Chinese national na galing sa China na isailalim ang sarili sa quarantine sa loob ng 2 Linggo.
Dapat ring agad na sumangguni sa mga doktor kung nakakaranas ng ano man sa mga sintomas ng pagkahawa sa 2019 nCoV.
Nagpulong ang mga kawani ng FFCCCII kasama ang mga pangunahing doktor sa filipino chinese community at stakeholders kabilang si Health Undersecretary Eric Domingo.
Ito ay bilang tugon sa problema sa komunikasyon sa pagitan ng mga kawani ng ospital at mga pasyenteng chinese national na nangangailangan ng interpreter upang matulungan.
“Syempre, y’ong mga pasyente natin na dumarating sa mga ospital natin, karamihan sa kanila from mainland china at nagkakaroon tayo ng konting hirap doon sa pagko-communicate with them. So, ito y’ong isang possible na baka maaari nila tayong tulungan sa mga translator.” ani Department Of Health Undersecretary, Eric Domingo.
Nagbabala pa ang Department Of Health (DOH) na maaaring makansela ang lisensya ng sinomang doktor o ospital na tumanggi sa sinomang pasyente maging ito ay Chinese national.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: Novel coronavirus