Chinese at Filipino vessels, nagsalpukan sa West Philippine Sea; sasakyang dagat ng mga Pilipinong mangingisda, lumubog

by Erika Endraca | June 13, 2019 (Thursday) | 6976

MANILA, Philippines – Inihayag ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang pahayag kahapon na batay sa ulat ng mga Pilipinong mangingisda, nagkaroon ng salpukan ang isang Chinese at Filipino vessel malapit sa Recto o kilala rin sa tawag na Reed Bank, isa sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea noong June 9, 2019.

Dahil sa banggaan, napaulat na lumubog ang sasakyang pandagat ng mga Pilipinong mangingisda.

Tinuligsa naman ni Secretary Lorenzana ang napaulat na ginawa ng Chinese fishing vessel dahil pagkatapos umano ng insidente, agad itong umalis sa lugar at iniwan ang 22 filipino na mangingisda na lulan ng lumubog na vessel.

Sinasabing naka-angkla ang Filipino Vessel F/B Gimver 1 nang mabangga ng Chinese fishing vessel.

Nang pagkakataon namang iyon, may isa aniyang Vietnamese fishing vessel malapit sa lugar at iniligtas ang mga Pinoy na mangingisda. Dinala sila sa ligtas na lugar at agad na nakipag-ugnayan sa Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nagpasalamant naman ang pamahalaan sa kapitan at crew ng naturang Vietnamese vessel. Gayunman, kinundena naman ang ginawa ng hinihinalang Chinese fishing vessel.

Nanawagan naman si Secretary Lorenzana ng pormal na imbestigasyon sa pangyayari gayundin ng karapat-dapat na diplomatic actions upang maiwasan na itong mangyari muli.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: , ,