Kumalat sa social media nitong weekend ang larawan ng isang Chinese military transport aircraft na lumapag sa Davao City. Tinukoy ang naturang eroplano na Ilyushin II-76.
Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque at ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go na nagkaroon ng technical stop ang naturang eroplano sa Davao City noong ika-8 ng Hunyo para magrefuel.
Ayon kay Roque, nakipag-ugnayan na sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang ginawang pagpapakarga ng langis partikular na sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Batay din sa permit na ibinigay, patungong Cairns, Australia ang Chinese military plane.
Tiniyak naman ng Malacañang na walang nangyaring movement ng mga pasahero sa Chinese plane sa labas ng terminal building at gumamit ito ng local handler para i-proseso ang mga kinakailangang requirements kaugnay ng entry at exit permit.
Ganito rin aniya ang ginagawang kortesiya ng China sa Philippine government aircrafts kung kinakailangang magsagawa ng technical stops.
Ayon pa kay SAP Go, nagtutulong-tulong ang Department of National Defense, Foreign Affairs, CAAP at iba pang ahensya ng gobyerno para tiyaking nakakacomply sa kinakailangang domestic procedures at requirements ang mga requesting parties.
Samantala, pinabulaan din ng administrasyon na ipinagitil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Una nang sinabi ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na inutusan ng punong ehekutibo ang mga tropa ng militar na itigil ang pagpapatrolya doon ngunit tinutulan umano ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Roque, imposible ito. Giit naman ni Go, ‘di ito ipag-uutos ng pangulo at mananatili ang pagpapatrolya sa ating mga teritoryo.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Chinese aircraft, Davao City, Malacañang