China, walang hinihinging real state property sa Pilipinas kapalit ng tulong – Pres. Rodrigo Duterte

by Radyo La Verdad | July 18, 2018 (Wednesday) | 11540

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang hiningi ang China na kahit isang bahagi ng real estate property sa bansa sa lahat ng ginawang pakikipagpulong nito kay Chinese President Xi Jinping.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang groundbreaking ng dalawang China Grant-Aid bridges project sa Maynila kahapon.

Tiwala rin ang Pangulo na darating ang pagkakataong marerealize ng mga Pilipinong mabuting kapitbahay ang China sa kabila ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ang Grant-Aid bridges ng China sa Pilipinas ay ang Binondo-Intramuros at Estrella-Pantaleon bridge.

Bahagi ito ng Metro Manila Logistics Improvement Network kung saan 12 bagong tulay ang inaasahang maitayo sa Pasig River, Marikina River at Manggahan floodway.

Nagkakahalaga ang Binondo-Intramuros bridge ng 4.243 bilyong piso, samantalang 1.229 bilyong piso naman ang Estrella-Pantaleon bridge na kapwa libreng ipinagkaloob ng China sa Pilipinas.

Kaugnay pa rin ang naturang proyekto sa Build, Build, Build Infrastructure Program ng Duterte administration.

Pinabulaanan naman ng Chinese Ambassador to the Philippines
na si Zhao Jianhua na mahuhulog sa umano’y debt trap ng China ang Pilipinas.

Tiniyak niya rin na magiging partner ang China sa pag-aangat ng kabuhayan ng mga Pilipino pero hindi magiging probinsya ng China ang Pilipinas kailanman.

Reaksyon din ito ng Chinese official sa mga banner na isinabit sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila noong nakalipas na linggo na may mensaheng probinsya ng China ang Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,