China, umaasang matatapos ang konsultasyon sa code of conduct sa South China Sea sa loob ng 3 taon

by Radyo La Verdad | November 15, 2018 (Thursday) | 7893

Bukod sa kalakalan, isa sa pinakamainit na pinag-usapan ngayon sa ASEAN Summit ang pagkakaroon ng code of conduct sa South China Sea.

Sa kanyang opening statement sa ASEAN-China Summit kahapon, sinabi ni Chinese Premier Li Keqiang na umaasa ang China na matatapos ang konsultasyon para sa code of conduct sa South China Sea sa loob ng tatlong taon.

Ayon naman kay Pangulong Rodrigo Duterte, kailangan na at nararapat lang na magkaroon ng code of conduct dahil sa namumuong tensyon sa pagitan ng China at ng mga Western Nations.

Pangunahing ikinababahala ng Pangulo na madamay ang bansa dahil sa umiiral na mutual defense treaty sa Estados Unidos.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na ang code of conduct ang siyang magdidikta ng mga dapat at hindi dapat gawin ng mga bansa sa rehiyon lalo na ang mga claimants sa pinag-aagawang teritoryo.

Samantala, hindi nakadalo si Pangulong Duterte sa naunang summit sa pagitan ng ASEAN at Australia. Tanging si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin lamang ang kumatawan para sa Pangulo.

Matapos ang ASEAN-China Summit, dumalo rin ang Pangulo sa working lunch kasama ang mga leaders na sinundan naman ng summits kasama ang Republic of Korea at Russia.

Nagkaroon din ng bilateral meeting sina Pangulong Duterte at Prime Minister Lee Hsien Loong ng Singapore na sinundan naman ng ASEAN-Russian Summit na dinaluhan ni Russian President Vladimir Putin.

Ito ang unang pagdalaw ni President Putin sa Singapore.

 

( Maila Guevarra / UNTV Correspondent )

Tags: , ,