Ikinababahala ni Professor Jay Batongbacal, ang direktor ng University of the Philippines Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea, ang aniya’y lalo pang lumalakas at tumitinding militarisasyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa isang press conference noong Sabado, sinabi ni Professor Batongbacal na malaki aniya ang nagiging pakinabang ng China sa tila pagiging malambot ng Pilipinas sa pagtrato sa mga isyung kinakaharap sa usapin sa South China Sea.
Paliwanag pa ng maritime law expert, tama lamang na patatagin ng Pilipinas ang magandang pakikipagrelasyon nito sa China, subalit iginiit nito na hindi pa rin dapat na ipaubaya ng pamahalaan ang ating teriyoryo.
Malaking kawalan aniya sa bansa, kung ang mga dayuhan ang makikinabang sa mga yamang dapat sana ay para sa mga Pilipino.
Noong February 13, isang bilateral consultation ang isinagawa ng Pilipinas at China, ilang araw matapos na lumabas ang mga bagong larawan ng itinayong artificial island ng China sa South China Sea.
Dismayado naman si Batongbacal dahil hanggang sa ngayon ay wala pa ring aniyang malinaw na resulta ang naturang bilateral consultation sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: China, Pilipinas, West Philippine Sea