Mariing itinanggi ng China ang alegasyong militarisasyon sa South China Sea. Kasunod ito ng pagdating ng mga bomber sa kanilang itinayong airbase sa pinagtatalunang teritoryo.
Iginiit din sa isang pulong ni Foreign Ministry Spokesperson Lu Kang na ang South China Sea ay kabilang sa kanilang teritoryo at ang lahat ng ito ay bahagi lang ng regular training exercise ng Chinese military.
Pero ayon kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, dapat nang maghain ng pormal na protesta ang bansa laban sa China.
Kapag nabigo aniya ang bansa na magprotesta, nangangahulugan ito ng pagkunsinte sa militarisasyon ng China at sa pag-aangkin nito sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon pa kay Justice Carpio, dapat na ring makipag-ugnayan ang Pilipinas sa ibang mga claimant sa South China Sea upang tutulan ang militarisasyon ng China.
Pero ayon sa Malakanyang, ginagawa na ito sa ngayon ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson, Sec. Harry Roque, hindi naman kailangang isapubliko pa ang lahat ng hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang tugunan ang isyu.
Para naman kay Vice President Leni Robredo, dapat isulong ang diplomatikong paraan sa pagresolba sa isyu pero hindi ito dapat umabot sa puntong malagay sa kompromiso ang bansa.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: China, Chinese military, South China Sea