METRO MANILA – Idineklarang ilegal sa Republic Act No. 11596 ang child marriage at magpapataw ng parusa sa mga lalabag dito ayon kay House Deputy Speaker Bernadette Herrera.
Nalagdaan ang RA No. 11596 o “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties” ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 10, 2021 at nailabas naman sa mga reporter ang kopya ng dokumento noong Huwebes (January 6, 2022).
Ayon kay Deputy Speaker Herrera, ang pagsasama ng isang matanda at bata tulad sa pag-aasawa sa isang tahanan, hindi man kasal, ay labag din sa batas.
Dagdag pa niya, makakatulong ang batas na ito sa pagprotekta sa mga bata, lalong lalo sa mga batang babae at panahon na para matigil ang nakababahalang kaugalian na child marriage na isang uri ng violence, sa bansa.
Tumutukoy ang child marriage sa kahit anong kasal na ang isa o parehong panig ay bata, binabasbasang sibil o sa simbahan, o kahit anong tradisyon, kultura, o kaugalian. Kasama rin dito ang impormal na pagsasama o paninirahan sa pagitan ng matanda at bata o kapwa bata hindi man kasal.
Papatawan ng hindi bababa sa P40,000 at parusang prison mayor sa medium period sa sinomang lalabag sa batas at mga nasa ilalim nito.
(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)