Chief Justice Sereno, hindi magbibitiw sa gitna ng kinakaharap na impeachment complaint

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 1911

Buo ang paniniwala ni Attorney Carlo Cruz, ang tagapagsalita ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na malalagpasan ng punong mahistrado ang kinakaharap na impeachment complaint.

Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon kay Cruz sinabi nito na handa si Sereno na harapin ang paratang, tapusin ang proseso at hindi ito magbibitiw sa pwesto. Pero ayon kay Attorney Larry Gadon, hindi political pressure ang dahilan ng kaniyang pagsasampa ng reklamo.

Ayon kay Cruz, inosente ang Chief Justice sa mga akusasyon laban sa kaniya. Sa usapin hinggil sa hindi tamang pagdedeklara ni Sereno sa kaniyang SALN ng kaniyang kinita may 4 o 6 na taon na ang nakalilipas bago siya pumasok sa public service.

Sinabi rin ni Cruz, kailangang patunayan ng nag-aakusa na bahagi pa rin ito ng asset ng punong mahistrado ng pasukin niya ang serbisyo publiko. Itinanggi rin ni Cruz na minamanipula ng Chief Justice ang Judicial and Bar Council upang huwag maisali sa shortlist ang mga taong hindi niya gusto. Hindi rin niya nakitaan ng marangyang pamumuhay ang Chief Justice.

Aniya, handang sagutin ang kampo ni Sereno ang mga paratang at handa rin nitong harapin ang kahihinatnan ng impeachment process.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,