CHED, Teachers’ Group at ilang mambabatas, suportado ang pag-review sa K-12 program ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | June 24, 2022 (Friday) | 9511

METRO MANILA – Napapanahon na para sa Commission on Higher Education (CHED) na pag-aralan kung talagang naging epektibo ang pagpapatupad ng K to 12 program sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera, makakatutulong ang pag-review sa implementasyon ng K-12 porogram upang magkaroon ng mas epektibong curriculum ang mga unibersidad at kolehiyo.

Ito’y upang mas maihanda ang mga estudyante sa kanilang pagpasok sa higher education at masubok na rin ang kanilang kakakayahan sa trabaho na maaari nilang pasukan.

Sang ayon naman dito si Teacher’s Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas.

Ayon sa kaniya, hindi nakamit ng K to 12 program ang talagang layunin nito dahil marami sa mga mag-aaral ang kulang pa rin sa kasanayan sa pagta-trabaho kahit dumaan pa ang mga ito sa senior high school level.

Ayon naman sa ACT Teachers partylist, sa pagpapatupad ng K-12 nagkaroon ng ilang aberya sa learning materials, kakulangan sa pasilidad at suporta para sa mga guro at mga non-teaching personel kaya’t naapektuhan din ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga estudyante.

Nanawagan ang grupo na tingnang mabuti ang nasabing mga isyu upang masigurong magiging epektibo ang K-12 program.
Samantala, sa isang panayam sinabi ni Senator Win Gatchalian na karamihan sa mga graduate ng senior high school ang hindi natatanggap sa trabaho na isa aniya sa mga layunin ng nasabing programa.

Dahil dito kailangan aniyang reviewhin ang curriculum na itinuturo sa senior high school.

Nauna nang ipinahayag ni Vice President-Elect Sara Duterte na kasama ang pagreview sa K-12 program sa mga mandatong ibinigay sa kanya ni President-Elect Bongbong Marcos sa oras na opisyal na siyang manungkulan bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,