Chairmanship ng Partido Federal ng Pilipinas, iniaalok kay Pangulong Rodrigo Duterte

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 4689

Opisyal nang kinikilala ng Commission on Elections (Comelec) bilang national political party ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) batay sa inilabas na Comelec resolution noong ika-5 ng Oktubre.

Tagumpay ito sa panig ng PFP kaya naman todo na ang kanilang pwersa para sa May 2019 midterm elections.

Kahapon, pormal nang ipinakilala ni Atty. George Briones ang tumatayong general counsel ng partido ang ilan sa kanilang mga kandidato.

Kabilang na rito sina PFP NCR Chairman Joy Belmonte na tatakbong mayor ng Quezon City; si dating Laguna Gov. E.R. Ejercito na susubok na makabalik sa pwesto; si Cong. Reynaldo Umali na tatakbong gobernador ng Oriental Mindoro, at si Dept. of Tourism Asec. Daniel Mercado bilang gobernador ng Zamboanga Del Sur.

Tatakbo namang senador ang presidente ng partido na si Atty. Jayvee Hinlo na ngayo’y director ng Land Bank of the Philippines. Bababa ito sa posisyon bilang presidente ng PFP para sa kaniyang kandidatura at papalitan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. John Castriciones.

Sa ngayon, si Atty. Hinlo pa lamang ang nag-iisang senatorial bet ng partido.

Kasama rin sa mga tatakbo sa ilalim ng partido si TESDA Dir. General Guiling Mamondiong bilang gobernador ng Lanao Del Sur, Governor Pax Mangudadatu ng Sultan Kuldarat at Gov. Dodo Mandanas ng Batangas.

Ayon kay Sec. Castriciones, nasa apatnapu hanggang limampu pa ang nagpahayag na rin ng pagnanais na tumakbo sa congressional post sa ilalim ng kanilang partido.

Makikipag-alyansa rin ang PFP sa Hugpong ng Pagbabago o Faction for Change Party ni Mayor Sara Duterte.

Ayon pa kay Sec. Castriciones, iimbitahin nila si Pangulong Duterte sa kanilang grand rally sa Cuneta Astrodome ngayong Huwebes, ika-11 ng Oktubre upang magsilbing chairman ng partido.

Kumpiyansa naman si Congressman Reynaldo Umali na mas aangat sila bilang partido ng Pangulo kung ikukumpara sa PDP Laban dahil tema pa lang aniya ng partido ay kasang-ayon na sa kagustuhan ng Pangulo na maisulong ang pederalismo.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,