CenterLaw, hinimok ang SC na maglabas ng bagong panuntunan sa imbestigasyon ng extrajudicial killings

by Radyo La Verdad | April 28, 2017 (Friday) | 1823

Isang grupo ng mga abogado ang dumulog sa Korte Suprema upang himukin itong maglabas ng bagong panuntunan sa imbestigasyon ng extrajudicial killings.

Panukala ng Center for International Law, gumawa ang korte ng Writ Contra Homo Sacer para sa mga napapatay sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Ayon sa CenterLaw, tila bumabalik ang konsepto ng Homo sacer noong panahon ng Roman empire.

Tinatawag noon na Homo sacer ang mga taong walang karapatan sa ilalim ng batas at maaaring patayin anomang oras.

Ayon sa grupo, karaniwang hindi nasusunod ang mismong panuntunan ng pulisya sa mga tokhang operations.

Kabilang dito ang kawalan ng report sa pagpaplano ng operasyon at ang resulta ng otopsiya sa napatay na suspek.

Dapat pa rin anilang kasuhan ang pulis na nakapatay sa suspek at hayaang ang piskalya ang umabswelto dito.

Samantala wala pang pahayag ang Malakanyang tungkol dito.

(Roderic Mendoza)

Tags: , , ,