Cebu Rep. Gwen Garcia, ipinadi-dismiss ng Ombudsman dahil sa kasong graft

by Radyo La Verdad | February 13, 2018 (Tuesday) | 8925

Ipinag-utos na ng Office of the Ombudsman kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagdismiss kay Cebu Representative Gwen Garcia bilang miyembro ng Kamara dahil sa kasong graft.

Ang kaso ay kaugnay sa umano’y kontrobersyal na pagbili nito noong 2008 ng 98.9-million pesos Balili property sa Tinaan, Naga Cebu noong siya pa ang gobernador ng lalawigan.

Base sa imbestigasyong ginawa ng Ombudsman, hindi dumaan at inaprubahan ng Sanguniang Panlalawigan ang kontratang pinasok ni Garcia.

Batay sa desisyon ng Ombudsman, nilabag nito ang Administrative Code of 1987 and the Government Auditing Code of the Philippines na nanangailan ng certification of appropriation and fund availability bago pumasok sa isang kontrata.

Kuwestiyonable naman kay Garcia ang timing ng paglalabas ng desisyon. Gayunman, tuloy pa rin aniya ang kanyang trabaho at ipinauubaya na nito sa liderato ng Kamara ang pagdedesisyon.

Ngunit ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi niya ipapatupad an naturang kautusan ng Ombudsman.

Ayon naman kay House Majority  Leader Rodolfo Fariñas,  para maiwasan na ang mga ganitong pangyayari, ipinasa na nila sa Kamara noong isang taon ang panukalang batas na nag-aamyenda sa Republic Act 3019 o ang Anti Graft and Corrupt Practices Act.

Nakasaad dito na hindi na maaaring suspindihin o alisin sa kasalukuyang posisyon ang isang sinomang opisyal ng pamahalaan na may graft case kung ito ay nangyari sa dati niyang posisyon o katungkulan sa pamahalaan.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,