Cebu City, mananatili sa ECQ hanggang July 15; Metro Manila at mga kalapit lalawigan, nasa ilalim ng GCQ

by Erika Endraca | July 1, 2020 (Wednesday) | 9500

METRO MANILA – Pinanatili ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim Ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lungsod ng Cebu mula July 1 – 15, 2020.

Ayon sa punong ehekutibo, naging hotspot na ang lungsod dahil sa katigasan ng ulo ng mga Cebuano.

Sa Talisay aniya, nagmistula ring palengke araw-araw, may mga inuman at sugalan pa.

“Kung ayaw ninyo maniwala, bakit marami? One of the reasons, even without consulting the body, because you did not follow rules, di ganun karami yan, you have the highest, cebu is now the new hostpot for covid-19, bakit? Marami sa inyo, di sumunod ” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ikinalungkot ng punong ehekutibo ang nangyayari sa Cebu City at dapat aniyang mag-improve ang sitwasyon duon sa tulong ni Environment Secretary Roy Cimatu.

Samantala, ang Metro Manila naman, mga kalapit na lalawigan tulad ng Cavite, Rizal, gayundin ang Benguet, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Leyte, Ormoc, Southern Leyte, Talisay City, Minglanilla at Consolacion municipalities sa Cebu province ay sasailalim sa General Community Quarantine (GCQ).

Kinilala rin ng punong ehekutibo ang pagsunod sa quarantine protocols ng karamihang mamamayan sa NCR at mga kalapit lalawigan nito.

“You know manila and tis environs, maraming tao but because sumunod nila, with few violations thereabout, we here in manila have a good chance of at least avoiding it.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Nirerekomenda naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez na maluwagan pa sa malapit na hinaharap ang quarantine measures sa Metro Manila at Calabarzon para makabawi ang ekonomiya ng bansa.

Ang karamihang lugar naman sa bansa na mga moderate at low risk sa COVID-19 , mananatili sa Modified General Community Quarantine (MGCQ)  kung saan ipatutupad pa rin sa kanila ang estriktong localized community quarantine, minimum health standards, paiigtingin ang health system capacity at isolation facilities.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,