Pinaghahandaan na ng Commission on Elections ang inaabangang halalan sa susunod na taon.
Sa Bulacan, tuluy-tuloy na ang pagsasagawa ng hearing para sa mga botanteng hindi kumpleto ang biometrics na umaabot sa pitumpung libo ang bilang.
Nasa 35-thousand naman ang hindi maaaring bumoto sa 2016 dahil sa kawalan ng biometrics data habang nasa 1.5 million ang inaasahang bilang ng mga boboto sa national elections.
Habang isinasagawa ito, pina-plano na rin ng Comelec ang paglalagay ng Closed-Circuit Television o CCTV camera sa ilang voting precinct upang maiwasan ang mga kaso ng karahasan at vote buying na kalimitang nangyayari bago o pagkatapos ng araw ng botohan.
Naniniwala rin ang Comelec na makatutulong ang CCTV camera units lalo’t kulang ang puwersa ng mga pulis at sundalo upang mabantayan ang lahat ng voting areas sa Bulacan.
Limang bayan rin sa lalawigan ang posibleng mailagay sa election watchlist dahil sa mga insidente ng pagpatay sa ilang barangay chairman;
Kabilang sa mga ito ang bayan ng San Miguel, San Ildefonzo, San Rafael, Dona Remedios Trinidad at Balagtas.
Tiniyak naman ng Comelec na magpapatupad sila ng mahigpit na panuntunan sa mga presinto at hindi papayagang pumasok ang sinumang walang kaukulang access, kahit mga miyembro ng media.(Nestor Torres/UNTV Correspondent)