Catcalling, ipagbabawal na sa buong bansa

by Radyo La Verdad | February 8, 2019 (Friday) | 4759

MANILA, Philippines – Malapit nang maisabatas ang pagbabawal at pagpapataw ng parusa sa mga gumagawa ng iba’t-ibang uri ng pambabastos o sexual harassment sa mga babae at lalaki sa pampublikong lugar, opisina, eskuwelahan, at maging sa internet.

Base sa panukalang Safe Spaces Bill, bawal na ang catcalling, stalking, panghihipo, sexual jokes, mahahalay na komento sa social media, paninira sa pagkatao ng isang personalidad gamit ang kanyang picture o video, at maging ang paggawa ng mga meme na ngayon ay karaniwan nang nakikita sa social media.

Lahat ng mapatutunayang guilty sa catcalling o paninipol ay maaaring pagmultahin ng mula P1,000 hanggang P10,000 o makulong ng isa hanggang 30 araw.

May kaakibat namang parusang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan o multang hanggang P100,000 ang panghihipo.

Habang ang anumang uri ng sexual harassment sa internet ay may parusang mula anim na buwan hanggang anim na taong pagkakabilanggo at multang P100,000.

Naisumite na sa Pangulo ang panukala para malagdaan at maging isang ganap na batas na ito.

Kapag naging ganap na batas, may layabilidad na rin ang mga school administrator at mga kumpanya sa oras na may mangyaring sexual harassment sa kanilang nasasakupan.

Samantala, magkakaroon na rin ng mga anti-sexual harassment officers ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tatanggap ng reklamo at magbabantay laban sa anumang uri ng pambabastos sa pampublikong lugar.


(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , , ,