Pansamantalang itinigil ng Provincial Board of Canvasser ang pagbabasa ng mga canvassing result sa isinagawang eleksyon matapos magkaproblema ang tatlong bayan sa Camarines Sur.
Ayon kay Atty Romeo Serrano ang Provincial Election Supervisor sa CamSur, tanging ang resulta mula sa sa tatlong bayan ang kanilang hinihintay para matapos ang ginagawang canvassing.
Kabilang sa mga ito ang bayan ng Bula, Tinambac at Calabanga.
Dagdag pa ni Atty. Serrano, nagkaroon ng problema sa consolidation at canvassing ng Vote Counting Machine na ginamit sa eleksyon.
Mamayang alas-dos ng hapon, muling magre-resume ang canvassing sa PBOC Camsur at kapag natapos agad ipoproklama na ng Board of Canvassers ang mga nanalong kandidato sa provincial level.
Sa Naga City humarap sa local media ang team Naga ng Liberal Party (LP) matapos muling ipanalo ang kanilang hanay sa local levels sa pangunguna ni Atty. John Bongat bilang alkalde ng lungsod ng Naga.
Aniya malaking bagay ang ibinigay sa kanilang tiwala ng mga Nagueñong bumoto nitong nakaraang eleksyon.
Ito na ang pangalawang termino ni Atty. Bongat bilang alkalde ng Naga City.
Samantala nag-umpisa nang baklasin ng ilang tauhan ng Naga City hall ang mga campaign materials at paraphernalia na ginamit ng nakaraang halalan.
Inaansahan umano na sa loob lamang ng isang araw magiging malinis na muli ang lungsod sa kabila ng mga kalat na iniwan nitong national election.
(Allan Manansala / UNTV Correspondent)