Campaign materials, dapat i-recycle – DILG

by Radyo La Verdad | May 13, 2022 (Friday) | 5732

METRO MANILA – Binigyan lang ng 3 araw ng Department of the Interioir and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan para tanggalin ang mga election campaign material.

Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ito ang pangunahing kautusan hindi lang sa mga Local Government Unit (LGU) kundi maging sa lahat ng mga kandidato ng katatapos lang na halalan.

Hinimok rin nito ang mga LGU na gumawa ng paraan upang magamit muli ang mga materyales sa pangangampanya para sa iba pang makabuluhang kagamitan.

Katuwang ng mga LGU ang Metropolitan Manila Development Authority na nakakolekta na ng daan-daang tonelada ng mga campaign paraphernalia.

Ayon kay Metro Parkway Clearing Group (MCPG) Director Francis Martinez, iipunin nila ang mga campaign paraphernalia upang gawing hollow blocks.

Ilan naman sa mga kababayan natin ang nakikibaklas na rin lalo pa ng mga tarpaulin para mapakinabangan sa ibang paraan.

Ang ecowaste coalition naman, iba’t ibang produkto ang nilikha mula sa mga campaign materials.

Kabilang na ang iba’t ibang klase ng bag, apron, tools organizer, envelop, shoe bag, folder at iba.

Binigyang diin ng DILG na ang mga campaign propaganda na yari sa mga plastic at iba pang non-biodegradable materials ay may masamang epekto sa kalusugan nat kapaligiran kung hindi maayos na itatapon.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,