Campaign ban ng COMELEC sa abroad, pinigil ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | April 21, 2016 (Thursday) | 1059

OVERSEAS-ABSENTEE-VOTING
Pinigil ng Korte Suprema ang Commision on Elections o COMELEC na magpatupad ng campaign ban mula April 9 hanggang May 9 habang isinasagawa ang botohan sa abroad.

Sa ilalim ng Overseas Voting Act, bawal mangampanya sa loob ng tatlumpung araw na habang idinaraos ang overseas absentee voting.

Ngunit ayon sa Korte Suprema, bawal pa ring mangampanya sa mga embahada, consulado at iba pang lugar sa abroad na pagdarausan ng halalan.

Pinasasagot din ng mataas na hukuman ang COMELEC sa petisyon ng negosyanteng si Loida Nicolas-Lewis sa loob ng limang araw.

Sa kanyang inihaing petisyon nitong Lunes, hinihiling ng negosyante na ideklarang unconstitutional ang campaign ban sa ilalim ng overseas voting act dahil sinasagkaan nito ang kalayaan sa pagsasalita at pagtitipon-tipon.

Sinabi pa nito na sa ilalim ng Omnibus Election Code, bawal lamang mangampanya isang araw bago ang halalan at sa mismong araw ng botohan.

Wala namang nakikitang problema si COMELEC Commissioner Arthur Lim sa ibinabang TRO ng Korte Suprema dahil wala naman anyang jurisdiction ang COMELEC na pagbawalan ang mga nangangampanya sa labas ng bansa.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: ,