Calumpit District Hospital, isasara muna ng dalawang linggo dahil sa naiwang mga basura at putik matapos bahagyang humupa ang baha

by Radyo La Verdad | October 27, 2015 (Tuesday) | 9731

NESTOR_CALUMPIT-DISTRICT-HOSP
Nagdulot ng malaking abala sa mga duktor at empleyado ng Calumpit District Hospital ang iniwang kalat at mga basura ng baha na dulot ng pag-apaw ng Pampanga river at bagyong Lando.

Anim na araw ding nalubog ang ospital at hindi mapasok dahil sa lagpas-taong taas ng baha.

Nang bumaba naman ang tubig kahapon, tumambad ang loob ng ospital na nabalot ng putik;

Nagkalat rin ang mga suwero, nasira ang mga bangko, mga gamit at basnag-basa ang mga higaan ng mga pasyente.

Noong martes nang simulang pasukin ng tubig ang ospital ngunit agad namang nailikas ang mga naka-confine na pasyente at inilipat sa bulacan medical center.

Ayon kay Dr. Marieta Catipunan, ang pinuno ng Calumpit District Hospital, tinatayang aabutin pa ng dalawang lingo bago nila muling buksan ang ospital dahil kailangan pang linisin at ayusin ang mga gamit.

Magiging pahirapan rin ang paglilinis sa loob ng ospital kaya umaapela sila ng tulong mula sa lokal na pamahalaan upang agad itong maisaayos.

Kailangan ring mapinturahan ng bago ang gusali at mapalitan ang mga nasirang equipment at mga higaan.
Sa ngayon ay hanggang tuhod pa rin ang baha sa labas ng ospital at inaasahang tuluyan itong huhupa ngayong araw.

Sa barangay Northville 9 naman sa Calumpit ay humupa na rin tubig sa mga eskwelahan ngunit nasira ang kanilang mga gamit pang-eskwela.

Ang iba namang residente ay sinamantala ang paghupa ng baha at matinding sikat ng araw upang makapaglaba ng kanilang mga damit na nababad sa baha.

Sa ngayon ay madadaanan na ang halos lahat ng kalsada sa calumpit maliban na lang sa mga binaha pang lugar gaya sa barangay Calizon, Gugo, Sto.Nino at Meyto na aabot hita pa rin ang tubig.(Nestor Torres/UNTV Correspondent)

Tags: , ,