Cagayan, naghahanda na sa pagdating ng Bagyong Rosita

by Jeck Deocampo | October 29, 2018 (Monday) | 3731

CAGAYAN – Muli na namang naghahanda ang buong probinsya ng Cagayan sa pagdating ng isa na namang malakas na bagyo, bagama’t hindi pa man tuluyang nakakabangon sa pinsalang idinulot ng bagyong Ompong.

 

Sinuspinde na ngayong araw ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang pasok sa eskwela sa lahat ng antas upang mapaghandaan ng mga residente ang pagdating ng bagyong Rosita. Habang bukas naman, araw ng Martes, ay suspindido na ang pasok sa lahat ng mga government office sa buong probinsya.

 

Ang suspensyon ng klase at pasok sa opisina ay bahagi ng preemptive measures na ginagawa ng pamahalaan.  Bukod dito, ipatutupad na rin ang liquor ban sa buong lalawigan simula alas-6:00 ng gabi. At lahat ng mahuhuli ay papatawan ng kaukulang multa at parusa.

 

Nagsagawa na rin ng predeployment ng mga miyembro ng Philippine National Police, Army at Marines upang umasiste sa mga maapektuhan ng bagyo.

 

Hindi pa madesisyunan ng provincial government kung ipatutupad na bukas ang forced evacuation dahil sa pabago-bagong direksyon ng bagyo. Subalit nakahanda na ang mga evacuation center para sa mga lilikas at iniimplementa na rin ang adopt-a-neighbor scheme sa mga barangay.

 

Samantala, 100% nang naibalik ang supply ng kuryente sa Cagayan subalit marami pa ring mga bahay ang kailangan pang makumpuni. Sa tala ng pamahalaang panlalawigan, nasa 18,000 pang mga indibidwal ang walang maayos na tirahan dahil sa Bagyong Ompong.

 

Hanggang sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng state of calamity ang buong probinsya ng Cagayan. Ang problema, hanggang ngayon ay hindi pa rin naaprubahan ng provincial board ang ₱3.5B na budget ng probinsya.

Tags: , , , ,