Balik-operasyon na ang byaheng Caloocan hanggang Dela Rosa Makati ng Philippine National Railways (PNR) ngayong araw.
Kaninang alas singko y media ng umaga ay dumating ang tren ng PNR sa istasyon nito sa 10th Avenue Caloocan City para sa byahe sa pagitan ng Caloocan at Dela Rosa Makati.
Ito ang unang byahe ng rutang Caloocan Dela Rosa ng PNR matapos tumigil ang operasyon nito dalawampung taon na ang nakakaraan.
Karagdagang byahe ito sa kasalukuyan nang nag-ooperate na byahe sa pagitan ng Tutuban station sa Tondo, Maynila at Calamba City sa Laguna.
Kawalan ng tren ang pangunahing dahilan kung bakit natigil ang operasyon para sa naturang ruta.
5:15 pm ang last trip ng ruta para sa mga manggagaling sa Caloocan papunta sa Dela Rosa station.
Habang 5:58 pm naman sa mga pabalik ng Caloocan City.
Tags: balik-operasyon na, Caloocan-Makati, PNR