Nakapagpadala na ng sulat ang mga opsiyal ng Busan Universal Rails Incorporated o BURI sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling ng pormal na pakikipagdayalogo.
Ayon kay Attorney Maricris Pahate, ang External Legal Affairs ng BURI, nais nilang makausap ng personal ang Pangulo upang maipaliwanag ang kanilang panig, ang tunay na estado ng operasyon at mga problema sa MRT-3.
Muling iginiit ng BURI na matagal na nilang sinabi sa MRT management at DOTr ang problema sa riles ng mga tren kaya’t hindi anila maaring isisi lahat sa maintenance provider ang mga aberya.
Bukod pa dito, mayroong rin anilang problema sa disensyo ng MRT, gaya na lamang sa istruktura, kung saan may mga riles na naka-elevate o nasa ibabaw habang may iba naman nakapwesto sa ibaba.
Sa ngayon ay wala pa anilang natatanggap na tugon ang BURI kaugnay sa kanilang ipinakikiusap sa Pangulo. Ngunit nais nilang mabigyan muli sila ng pagkakataon upang maiayos pa anila ang serbisyo ng MRT.
Samantala, sa kabila ng ilang mga panawagan na tanggalin na sa pwesto si Transportation Secretary Arthur Tugade dahil sa isyu ng MRT, iginiit ng Pangulo na buo pa rin ang kaniyang tiwala kay Tugade.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: BURI, MRT 3, Pangulong Rodrigo Duterte