Nangangailangan na ng tulong ng cloud seeding operation ang ekta-ektaryang lupain sa Negros at Zamboanga City.
Sa isinagawang assessment ng Bureau of Soil and Water Management (BSWM), sa 100,000 ektarya ng tubuhan ngayon sa Negros, nasa 20,000 ektarya na ang apektado ng tagtuyot.
Pinangangambahan ding maapektuhan ang produksyon ng asukal dahil sa kakulangan sa tubig.
Isinailalim na rin sa state of calamity ang Zamboanga City dahil sa epekto ng tag-tuyot sa agrikultura na umabot na sa P129 milyon ang danyos base sa datos noong Marso.
Nasa 8,700 ang taniman ng palay, mais, saging, cassava at rubber plantation ang naapektuhan na ng tag-tuyot na ikinabubuhay ng nasa 2,300 mga magsasaka.
Maging ang suplay ng inuming tubig ay kulang narin kaya’t nagsasagawa na sila ng pag-rarasyon.
Ayon sa BSWM ay mangangailangan ng P3-4 milyon ang 60 oras na operasyon ng cloud seeding.
Ngayon na lamang uli nag-request ng cloud seeding operation ang Zamboanga mula noong 2010.
Bukod sa mga nabanggit na lugar ay magsasagawa na rin ng assessment ang BSWM sa iba pang lugar sa bansa na maaari ring naapektuhan ng tag-tuyot.(Rey Pelayo/UNTV Correspondent)