Bureau of Immigration, hindi kukundinahin ang mga kawaning dawit sa human trafficking

by Erika Endraca | March 17, 2021 (Wednesday) | 4650

METRO MANILA – Suportado ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang isinasagawang imbestigasyon ni Senator Risa Hontiveros kasama ang komite ng Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa pagkakadawit ng ilang kawani ng ahensya sa human trafficking.

Pahayag ni BI Commissioner Morente, hindi kukundinahin nila ang mga tiwaling kawani at papatawan ng nararapat na kaparusahan ang sinomang mapatunayang sangkot sa trafficking schemes.

Kaugnay nito, nasa 86 immigration officers na hinihinalang sangkot sa nasabing ilegal na aktibidad ang sinuspinde ng ahensiya batay sa isinagawang imbestigasyon ng Senate committee, DOJ, NBI at office of the Ombudsman.

Dagdag pa ng Commisioner,patuloy ang isinasagawa nilang internal checking sa mga
opisyales at manggagawa ng ahensiya upang masigurado ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa ganitong klase ng krimen.

Batay sa ulat ng BI sa nakalipas na 2 taon (2019-2020), humigit sa 50,000 na mga Pilipino ang pinigilan sa pag-alis ng bansa kung saan ilan sa mga dahilan nito ay mga illegal recruitment at human trafficking.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: