Bureau of Customs, ipinagpapatuloy ang pagpapatatag ng transparency sa ahensya

by Radyo La Verdad | May 25, 2016 (Wednesday) | 1938

JOYCE_BOC
Nagpaliwanag ang Bureau of Customs o BOC sa inihayag ni Presumptive President-Elect Rodrigo Duterte na posibleng ipatanggal niya ang BOC kapag umupo siyang presidente.

Ayon kay Duterte, ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue o BIR at Land Transportation Office o LTO ang pinaka-corrupt at inefficient na mga ahensya kayat tila mas maigi na buwagin na ang mga ito.

Pagtatangol ni BOC Commissioner Albert Lina, mismong ang incoming Finance Secretary ni Duterte na si Sonny Dominiguez ay kumilala sa naging papel ng kanilang ahensya, katuwang ang iba pa institusyon, sa pagtaas ng investment grading ng bansa.

Anila, nang magsimula ang Aquino Administration, ipinagpapatuloy na nila ang pagpapatatag ng tranparency, operational at regulatory efficiency sa loob ng ahensya, upang labanan ang kurapsyon.

Dagdag pa ng BOC, sa loob lang ng ilang buwan, naisakatuparan din nila ang modernization ng IT infrastructure ng ahensya para sa mas mahigpit na cybersecurity.

Ayon kay Lina, bukas naman sila sa suhestiyon ng susunod na adminstrasyon kung papaano pa nila mapabubuti ang kanilang trabaho.
Samantala, nasaktan naman si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares sa pagsama ng BIR, sa mga ayon kay duterte ay pinakurap na ahensya sa bansa.

Sa naging interview sa kanya kahapon, sinabi ni Henares na tila hindi kinikilala ang bunga ng trabaho ng kanyang mga tauhan sa loob ng anim na taon.

Aniya, naiangat naman ng BIR ang estado ng ating bansa.

Samantala, tumanggi naman magbibigay ng pahayag ang Land Transportation Office o LTO sa isyu na ito.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,