Buong Central Visayas at Zamboanga City, kabilang na sa mga isasailalim sa GCQ mula June 1-15

by Erika Endraca | June 1, 2020 (Monday) | 11175

METRO MANILA – Nadagdagan pa ang bilang ng mga lugar na isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) simula sa June 1 – 15, 2020 matapos umapela ang ilang lokal na pamahalaan sa Inter-Agency Task Force (IATF) Kontra COVID-19.

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kabilang na dito ang buong Region VII o Central Visayas kung saan kasama ang mga siyudad ng Cebu at Mandaue City, Gayundin ang Zamboanga City sa Mindanao.

Bukod ito sa una nang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes na sasailalim sa GCQ gaya ng National Capital Region, Pangasinan, Regions Ii, III, at IV-A at Davao City.

Karamihan naman ng mga lugar na hindi nabanggit ay sasailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) simula sa susunod na buwan.

Simula ngayong Lunes, 2 Uri ng Community Quarantine na ang Iiral sa bansa: ang General Community Quarantine kung saan mas maraming sektor ng ekonomiya ang makakabalik na sa operasyon at ang Modified General Community Quarantine (MGCQ) na transition naman patungo sa new normal.

Samantala, kaugnay naman ng hindi pagpahintulot na makabiyahe na ang traditional jeepney sa NCR sa kabila ng balik-operasyon na ang karamihang industriya, tiniyak ng Malacañang na pinag-aaralan ng IATF kung papaano magagamit ang mga ito kaalinsabay ng pagtitiyak ng social distancing at health protocol.

Batay SA ABISO NG Transportation Department, by phases ang pagbabalik-operasyon ng mass transport sa NCR.

“Pasensya na po sa ating mga kapatid na namamasada ng mga jeepney, pero pinag-aaralan pa po kung papaano magkakaroon ng social distancing sa ating mga jeepney. bagaman mayroon na po tayong bahagyang pagbukas o pagpayag sa mga. pampublikong transportasyon, ang pangunahing guidelines po diyan social distancing” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,