Bumibiyaheng tren ng LRT-2 posible ng madagdagan sa mga susunod na araw

by Erika Endraca | October 11, 2019 (Friday) | 6928

MANILA, Philippines – Mula sa kasalukuyang 5 tren na tumatakbo sa linya ng LRT-2, tinitignan ng mga technician ng Light Rail Transit Authority (LRTA)  kung maari nang itaas sa 6 na train set ang bibiyahe matapos na buksan ang partial operations nito noong Martes (October 8).

Bukod dito pinag-aaralan rin kung kakayanin nang ibalik ang dating oras na pagbubukas ng operasyon ng LRT-2 . Sa ngayon alas-6  ng umaga nagsisimula ang unang biyahe ng LRT-2 upang bigyan ng daan ang mas mahabang oras sa pagmimintina sa mga tren, riles, signalling system at power supply nito.

“Kumbaga pina-familiarize muna yung sarili namin, kapag gamay na namin then we will look into one magdagdag ng isa pang tren and then magbukas na tayo ng mas maaga which is 5am” ani LRTA Spokesperson, Atty. Hernando Cabrera.

Nauna nang ipinaliwanag ni LRTA Spokesperson Attorney Hernando Cabrera na kinakailangan nilang limitahan ang tumatakbong tren upang hindi magkaproblema sa power supply na posibleng magresulta sa panibagong aberya.

Samantala, bagaman walang sira sa Anonas Station, ipinaliwanag ni Attorney Cabrera na sa ngayon ay hindi pa rin ito magagamit dahil hindi pa kayang makaabot ng mga tren sa depot sa Santolan dahil wala pa ring kuryente.

Ipinakita kanina ng LRTA ang mga larawan ng nasunog na Rectifier na siyang nagsu-supply ng kuryente sa linya ng LRT-2.Ayon kay Atty.Cabrera, 3 at hindi 2 lamang na Rectifier ang nasunog.

Sa emergency meeting Kahapon (October 10) ng House Committee on Transportation lumabas na tinamaan umano ng kidlat ang mga power Rectifier kaya’t sumabog ang mga ito ayon sa LRTA.

Samantala, taliwas sa naunang pahayag ayon sa LRTA posibleng hindi na abutin ng 9 na buwan bago maibalik ang full operations ng LRT-2.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: ,