Bulkang Taal sa Batangas, sumabog; mga residente inilikas

by Erika Endraca | January 13, 2020 (Monday) | 2988

TAAL, BATANGAS – Umaga palang Kahapon (Jan. 12) may nakikita nang paunti unting usok na lumalabas mula sa bulkang Taal.

Bandang ala-una ng hapon unang nagbuga ng makapal na usok ang bulkan. Kita ito hanggang sa mga kalapit na lugar.

Alas-2 ng hapon nang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Siesmology (PHIVOLCS) sa alert level 2 ang bulkan matapos magbuga ng sunod sunod na makapal na usok.

Sa Amadeo Batangas kita ang makapal na usok na ibinuga ng buklan magaalas-6 ng hapon dito na nakakita ng indikasyon ng magmatic unrest ang PHIVOLCS kaya itinaas ang alert level 3.

Pero dahil sunod sunod ang pagbuga nito ng makakapal na usok at maliliit na bato, itinaas ng PHIVOLCS sa alert level 4 o hazardous erruption imminent level ang bulkan pasado alas-7 ng gabi.

Sunod sunod rin ang pagkidlat o volcanic lightning. Base rin sa monitoring ng PHIVOLCS, mabilis rin umano ang pag-akyat ng magma ng Bulkang Taal.

Narinig sa mga kalapit na lugar ang dagundong ng pagsabog nito kasama ang makapal na usok na may halong maliit na bato.

Nakapagtala rin ng magnitude 3.9 lindol malapit sa Bulkan at ayon sa PHIVOLCS malakas ito para sa isang volcanic earthquake.

Bunsod nito total evacuation ang ibinaba ng PHIVOLCS sa mga lugar na malapit sa bulkan. Sa Batangas palang nasa 8,000 na ang inilikas.  Karamihan dito ay mula sa 4 na barangay malapit sa bulkan.

Ang ilang mga residente nagkusa na ring umalis sa kanilang mga bahay sa takot na baka magbuga ng magma ang Bulkang Taal. Ayon naman sa PHIVOLCS, bago ang nangyaring pagsabog kahapon (Jan.12), nakapagtala na ng 33 historical eruptions ang Bulkang Taal. Pinakahuli ay noong Ooctober 3, 1977.

(Grace Casin | Untv News)

Tags: ,