Bulkang taal, maaring maglabas ng lava kapag naubos ang tubig sa crater nito —PHIVOLCS

by Erika Endraca | July 6, 2021 (Tuesday) | 21291

METRO MANILA – Patuloy ang mga pagyanig at panakanakang pagbubuga ng usok mula sa bulkang taal sa mga nakalipas na ilang araw.

Ayon sa PHIVOLCS, senyales ito ng patuloy na paggalaw ng gas at magma sa Taal volcano at ang nagbabantang pagsabog nito.

Paliwanag ni Science and Technology Undersecretary at PHIVOLCS Director Renato Solidum, ang usok ay sanhi ng phreatomagmatic eruption.

Nangyayari ito kapag naghahalo ang magma at tubig na nasa bunganga ng bulkan.

Ngunit kung maubos na ang tubig, maaring makakita na ng strombolian eruption kung saan magkakaroon na ng lava flow.

“Pwede rin naman po kung sakaling mawala po iyong tubig diyan sa crater ng taal volcano—wala ng interaction ang magma and water—ay pwede pong mag-transition ito sa weak to violent eruption of gas-charged fluid magma na para pong may fireworks. Magkakaroon po ng lava fountaining at magpo-produce ng lava flow papunta sa baba.” ani PHILVOLCS Usec Renato Solidum.

Maaaring maka-apekto sa kalusugan ang pagbuga ng volcanic gas partikular na ang sulfur dioxide gas na humahalo sa hangin.

Ito rin ang nagdulot ng Volcanic Smog (VOG) na isang uri ng polusyon sa hangin.

“Very common effects of inhalation of sulfur dioxide—irritation of the respiratory tract. Asthmatics of course especially should be very aware and should take precautions against inhaling sulfur dioxide.” ani CALABARZON DOH Health Emergency Medical Service Head, Dr. Voltaire Guadalupe.

Dagdag pa ng DOH, maaari rin itong magdulot ng pagka-irita ng mata o balat kapag mataas ang konsentrasyon ng sulfur dioxide.

Kaya pinapayuhan ng mga otoridad ang mga apektadong residente na magsuot ng protective equipment o proteksyon sa katawan tulad ng pagsusuot ng face mask at goggles.

Nakahanda naman ang pamahalaang panlalawigan ng batangas na magbigay ng tulong sa mga residenteng lumikas.

P100-M pondo ang inilaan nito para sa quick response disaster efforts sa mga kaukulang lugar.

“Kaya ang lalawigan ngayon mamimigay sa frontliners nitong (N) 95 type ng ating facemask at ganun din patuloy hindi lang sa pagkain na pang araw araw atin din isinaisip na ang immunity system ng ating mga kababayan ay tumaas kaya yun mga pagkain at vitamins ay tuioy tuloy pa rin” ani Batangas Gov. Hermilando Mandanas.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,