Bulkang Bulusan sa Sorsogon itinaas sa Alert Level 1 matapos ang biglaang pagsabog kahapon

by Radyo La Verdad | June 6, 2022 (Monday) | 12779

Pasado alas-10 ng umaga kahapon (June 5) ng biglang makarinig ng tila malakas na kulog  kasabay ng pagbuhos ng ulan ang mga residente sa Brgy. Buraburan sa bayan ng Juban sa Sorsogon.

Subalit ang animo’y malakas na kulog indikasyon na pala ng pagsabog ng bulkang Bulusan.

Ayon sa PHIVOLCS phreatic explosion ang nangyaring aktibidad sa bulkan na tumagal ng ng 17 minuto.

Pero bago pa man ang nangyaring pagsabog, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 77 volcanic earthquakes o mga pagyanig.

Dahil sa pagsabog ng Mt. Bulusan,  nabalot ng makapal na abo ang ilang barangay kabilang ang Puting Sapa, Añog, Guruyan, Catanusan, Buraburan, Bacolod, at Sangkayon sa bayan ng Juban at Bolos sa Irosin.

Base na rin sa ginawang pag-aaral ng PHIVOLCS umabot sa 2 milimeter ang kapal ng abo na bumagsak sa Brgy Sangkayon habang 1 millimeter sa Brgy. Catanusan.

Agad naman ng nagsagawa ng clearing operations ang Local Government Unit (LGU) ng Juban at Irosin katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management  Office (PDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) at ilang sangay ng gobyerno.

At para makaiwas naman sa posibleng pagkakasakit ang mga apektadong residente mula sa makapal na abong inilabas ng bulkan.

Agad na inilikas ang nasa 52 pamilya o 171 indibidwal mula sa Brgy. Puting Sapa.

Samantala, nasa Sorsogon City na ang 14 na hikers na nasa paanan ng Mt. Bulusan nang maganap ang pagsabog.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Barcelona kung saan nagmula ang mga turista, June 4 ng umakyat sa bundok ang magkakaibigan mula sa Cavite.

June 5, alas-7 ng umaga nang magpasya ang mga ito na bumaba sa bundok, 3 oras bago ang nangyaring pagsabog.

Tumanggi nang magbigay ng detalye pa ang MDRRMO Barcelona subalit kinumpirma nito na may ilang gasgas sa katawan ang ilan sa mga hiker.

Sa ngayon nakataas ang Alert Level 1 o abnormal status ng Bulusan volcano.

Ibig sabihin lamang nito ipinagbabawal ang anomang human activity sa 4 kilometer permanent danger zone, at pinagmamatyag naman ang mga nasa 2 kilometer extended danger zone.

(Allan Manansala | UNTV News)

Tags: , ,