Mababaw lang ang pinanggalingan ng pagsabog ng bulkang Bulusan nitong linggo batay sa obserbasyon at nakalap na ebidensya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Tinatawag itong phreatic o steam-driven eruption lang kung saan kumukulo ang tubig ulan na pumapasok sa crater ng bulkan dahil sa mainit na bato sa ilalim nito.
Kapag ang steam o usok ay nabarahan, nabubuo ang pressure dahilan ng pagsabog.
Ngunit ang inilalabas lang nito ay mga abo na mula sa lumang materyales sa bunganga ng bulkan na siyang bumabagsak sa lupa na kung tawagin ay ash fall.
Paliwanag ni PHIVOLCS Officer in Charge at DOST Undersecretary Renato Solidum, mabilis itong mangyari at karaniwan sa mga bulkan na dapat ay bigyang-pansin ng mga lumalapit sa volcano crater.
Paliwanag pa ni Solidum, ang pagsabog ng bulkang Bulusan ay hindi gaya ng pagsabog sa ibang bulkan gaya sa taal na nagkaroon ng pag-akyat o pagbuga ng magma o tunaw na bato na napakainit.
Ayon sa PHIVOLCS, walang ebidensya ng pagbuga ng magma sa Bulusan base sa mga datos na nakalap ng ahensya.
Kabilang na ang napakababang sukat ng sulfur dioxide o hanging asupre na lumalabas sa bulkan at mahihina lang na mga lindol.
Bunsod nito, mananatili sa alert level 1 ang bulkang Bulusan dahil wala itong banta ng pagbuga ng magma na higit na mapanganib sa mga tao at kalikasan.
Sa kabila nito, nanawagan ang PHIVOLCS sa mga residente na malapit sa bulkan na mahigpit na sundin ang mga alituntunin sa ilalim ng alert level 1.
Kabilang na dito ang pagbabawal na pumasok sa permanent danger zone na may layong 4 na kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Mayroon rin itong 2 kilometrong extended danger zone sa timog-silangan ng bulusan dahil sa mga bitak sa panig ng bulkan na posible ring labasan ng mga usok at abo.
Pinag-iingat naman ang mga residente na nakatira malapit sa mga ilog dahil maaring magkaroon ng lahar kapag may mga malakas at patuloy na pag-ulan sa bundok bunsod ng naipong abo sa dalisdis ng bulkan.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: Bulkang Bulusan, PHIVOLCS