Bugoy Drilon, nagpasalamat sa Wish Fm dahil sa kanyang first major solo concert

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 16196

Mismong ang singer na si Bugoy Drilon ay hindi makapaniwala na matapos ang sampung taon ng kanyang singing career ay nakapagdaos siya ng kanyang first major concert.

Mula sa kanyang humble beginnings sa pagiging magsasaka sa kanilang bukid at canteen janitor sa Bicol at hanggang sa pag a-audition sa Pinoy Dream Academy ay unti-unting nakilala sa mundo ng music industry ang galing at husay ni Bugoy.

Tumatak sa mga Pilipino ang mala-husky voice ni Bugoy na bagay na bagay sa mga awiting reggae, retro, ballad at kahit maging sa pop music.

Inawit ni Bugoy sa kanyang concert ang ilan sa mga sikat na awitin ng mga foreign artist. Umawit si Bugoy ng Michael Jackson medley. Ang awiting “Angels Brought me Here” na inawit niya sa kanyang audition sa isang singing competiton kung saan siya nakilala.

Naka line-up rin sa first major solo concert ang mga OPM hits ni Bugoy gaya ng kanyang first single na “Paano na Kaya” at ilang OPM hits na nakilala si Bugoy bilang isang magaling na mang-aawit.

Di mahulugang karayom ang buong KIA Theater ng mga fans ni Bugoy na sampung taon ring naghintay para sa kanyang unang major concert.

Suportado rin si Bugoy ng kanyang mga kaibigan sa music industry gaya ni Philippines Pop Rock Superstar Yeng Constantino na nakipag-duet sa kanya sa awiting “Hawak Kamay” at “Salamat”.

Ang singer na si Eric Santos at Klarisse De Guzman na umawit ng isang George Canseco medley kasama si Bugoy. Hindi rin nagpahuli si KZ Tandingan na umawit ng isang retro medley kasama ni Bugoy at ang trio number ng Boyz 2 Men medley kasama ang mga malalapit niyang kaibigan sa industriya na si Michael Pangilinan at Daryl Ong.

Sa huling song number, inawit ni Bugoy ang awiting “One Day” na umani ng mahigit 80 million views sa youtube channel ng Wish Fm.

Ayon kay Bugoy, maituturing niya bilang isang major turn around sa kanyang career ang Wishclusive niya na ito sa Wishbus.

Pero bukod sa awiting “One Day”, napakalaki ng pasasalamat ni Bugoy sa pamunuan ng Wish Fm na nagbigay sa kanya ng big break sa pamamagitan ng kanyang first major solo concert.

Para naman sa Wish 107.5 creator na si Kuya Daniel Razon, isa sa adbokasiya ng Wish Fm ang tumulong sa mga OPM artist.

Ang Wish Fm ang nagproduced ng “One Day, One Decade” concert ni Bugoy Drilon, ang Wish Fm rin ang nangungunang Fm youtube channel sa Pilipinas na mayroon ng mahigit 3.5 million subscribers at mahigit 1.3 billion views.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,