METRO MANILA – Nananatiling naglalatag ng mga proyekto ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang tulungang mapalago ang ekonomiya ng bansa sa tulong ng teknolohiya. Ayon kay BSP Governor, Benjamin Diokno, malaki ang naitutulong ng teknolohiya sa ekonomiya lalo na sa pananalapi kung saan mapapabilis ang mga transaksyon.
Isa sa mga hakbang ng BSP ukol dito ay ang Digital Payment Transformation Roadmap na inilunsad noong 2020. Ang proyektong ito ay naglalayon na mailagay ang Pillipinas bilang isang ‘cash-lite economy’ sa taong 2023 sa digitalization ng financial services.
Ayon sa roadmap ng BSP, nais nito na mas tangkilikin ng mga mamamayan ang digital payments sa pamamagitan ng paglipat ng 50% ng kabuuang volume ng retail payments sa digital form at ang pagpapakilala ng 70% ng Filipino adults sa pormal na financial system sa bagong payment o transaction accounts sa taong 2023.
Isa pang hakbang ng BSP ay ang pagsulong sa digital banking kung saan 6 na digital bank licenses na ang naibigay upang magsimula ng operations. Ang digital bank ay nag-aayos ng financial products at services gamit ang digital platforms at electronic channels nang walang pisikal na interaksyon.
(James Hoyla | La Verdad Correspondent)
Tags: BSP