BSP, muling nagpaalala sa publiko na mawawalan na ng halaga sa taong 2017 ang mga perang may lumang disenyo

by Radyo La Verdad | October 9, 2015 (Friday) | 1664

bsp

Puspusan na ang ginagawang paglilibot ng mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang ipaalam sa ating mga kababayan ang gagawing demonetization o pagpapawalang-bisa sa mga perang may lumang disenyo.

Ayon sa BSP, nakasaad sa section 57 of republic act no. 7653 o ang New Central Bank act na maaaring palitan ang disenyo ng pera at iba pang features nito matapos ang limang taon.

Ang pera ng pilipinas ay sinimulang gamitin sa sirkulasyon noong 1985 at mula noon ay hindi pa ito napapalitan kaya minarapat ng bsp na maglabas ng new generation notes at pawalan ng bisa ang mga lumang pera.

Ngunit ayon sa BSP, wala naman silang gaanong binago sa disenyo ng pera upang hindi malito ang publiko.

May dinagdag lang silang security features upang hindi ito madaling magaya o pekein.

Sa abiso ng BSP, hanggang December 31, 2015 na lamang maaaring gamitin ang mga lumang perang papel, pagsapit naman ng 2016 ay hindi na ito maaaring gamiting panukli at pambayad ngunit maaari pa namang papalitan sa bangko.

Sa taong 2017 naman ay demonetized na ito o wala nang halaga at hindi na maaaring gamitin.

(Jenelyn Gaquit, UNTV News Correspondent)

Tags: , , ,